Archive for the ‘random thoughts’ Category

h1

pagkat hindi ko hiningi ang lahat ng ito

August 6, 2009

hindi ko hiningi ang lahat ng ito…
kaya’t huwag mong ilahad ang anuman sa aking paanan;

huwag sabihing di ako malilimutan
at palagiang mananatili sa isipan,

huwag ibulong na ihahabi mo ang aking ngalan
sa mga hibla ng iyong puso’t isipan,

huwag tipahin sa piyano ang awit ng pagsinta
habang ako’y katabi’t ikaw ay pinakikinggan,

huwag ubusin ang ‘yong maghapong yakap ako
habang dumaraan sa labas ang tag-ulan,

huwag haplusin ang aking pisngi
habang ako’y natutulog sa’yong kandungan,

huwag hawiin ang buhok na humarang saking mata
sa kagustuhang mukha ko’y buo mong masilayan,

huwag akong bigyan ng mga ngiti sa labi
o alayan ng matatamis na kasiyahan…

huwag mangako ng walang-humpay na tag-araw
at mga gabing binalot ng maliwanag na buwan,

huwag mong pintahan ng ‘yong pag-ibig
ang aking pintuan at mga durungawan…

pagkat hindi ko hiningi ang lahat ng ito,
kaya’t huwag mong ilahad ang anuman sa aking paanan
…hinayaan sanang ako ang mag-alay ng lahat ng mga iyan
para sa iyo,

kapalit ng mga oras na kapiling ka.

at para sa ‘yong pag-ibig na di na maibabalik.

*salvaged from 2005-2006 drafts

h1

rekyem

February 12, 2009

huwag mong suungin
ang eskinitang
ilang kahapon na
ang dumaan.

huwag awitin
ang mga kantang
sininta,
ngunit nilusaw
sa limot.

huwag ihatid ang sarili
sa pag-alala
sa nakaraang
nagumon sa kandungan
ng pagtanggi.

aanhin mo ang mangarap,
kung maging ang panaginip
ay tapos na?

 aanhin mo ang malumbay,
sa pagkakamaling
maging sepulturero’y
di kayang ilibing?

 

oo, babangon ka.
ngunit hanggang kailan
malalabanan
ang tawag
ng kandungan ng muling pagtulog?

h1

kung bakit nanganganak ng umaga ang bawat gabi

December 23, 2008

 

Paumanhin sa mga nagkumento sa tula kong ito. Sa isang kadahilanan, aksidente kong nabura ang lahat ng comments na inilagay ninyo sa pinakahuli kong lathalang ito.

 

 

may bahid man ng siphayo

ang gabing lumatag

sa iyong bintana

na kinubli ang araw

at itinakwil ang mga bituing

disin-sana’y karamay mo

sa paggalugad ng iyong landas sa kanayunan,

 

ay pakatandaan mong

sa iyong pagtulog-paggising

ay may bukang-liwayway

na sisibol

sa silangan

 

at ang liwanag

na kahapo’y tinuring na nakapapaso

ay magbabalik

sa iyong durungawan

upang sa iyong pagbangon

ay may datnan kang tanglaw

sa iyong landasin.

 

 

pahirin mo

ang natuyong luha ng gabing nagdaan

at tuntunin ang naiwang hakbang,

pulutin ang sarili

at magbalik;

gaya ng pagsilang ng umaga

sa tuwing pagtatapos ng gabi.

 

 

 

 

*tula para sa isang kaibigan na dinatnan man ng gabi ay natitiyak kong may mas mahabang umagang naghihintay sa kaniyang paggising.

h1

balada sa pagkain

November 26, 2008

tulala.
nakatitig sa kalderong
nagkakanlong sa ‘sang salop na bigas
at isa’t kalahating pananabik;
nililibang ang sarili
sa pagmamasid
sa nagbabadyang singaw
ng mainit na awit,
na likha
ng nakadadarang na parikit.

ilabas na ang mamantikang ulam
at kolesterol
na bumabalot sa puso,
nagtatangkang ikubli ito
sa sulsol ng isip
at mapalinlang na nasa.

panandalian akong mapapangiti
habang hinahango
ang mga butil ng kanin
na sasabawan ng sebo
at pamaluting karne.

mainit ang sinaing
at masarap ang ulam,
ngunit may bigat ang kubyertos
at may hadlang sa lalamunan
habang mag-isang kumakain.

h1

Kagaya Ng Pagtatagpo Ng Tag-araw At Tag-ulan

October 21, 2008

 

kagaya ng pagtatagpo ng tag-araw at tag-ulan

na totoong mapusok at nakadadarang;

…pumawi sa uhaw ng tigang na bukirin,

lumunod sa nasa ng ilog na humimbing.

 

hindi mo matatanggap ang iyong pagkakamali.

anupa’t tiniyak mo na kilala mo ang sarili

bago pa man matipon ang tapang ng pagpapasiya

na tumuntong sa lupa, at angkinin ang kinilalang SIYA.

 

hindi mo matatanggap na ang SIYA’y naglaho

na ang nakaraa’y napipilas gaya ng kalendaryo;

pagkat batid mong ang tunay na mahalaga lamang

ay ang iyong pandama, hindi ang ‘sang kabiguan

 

at inaasam mong babalik pa ang sandaling iyon

ng pakikipagtalik sa panaginip na inanyuan ng kahapon;

dahil matalino ka’t may desisyong hindi mababali

kahit na puso mo’y nililibak ng sarili mong pighati.

 

kagaya ng pagtatagpo ng tag-araw at tag-ulan

na sa una’y mapusok at nakadadarang;

ngunit panandalian at nagdudumaling maghiwalay

dahil sa pagtuldok ng panahon at pagtatakda ng buhay.

 

 

h1

Isang Pakikidalamhati, At Pasasalamat.

September 22, 2008

Isang pakikidalamhati sa namayapang ama ng kaibigan kong si Jeri. Gaya ng sinabi ko sa iyo, naghahari ang dalamhati sa akin dahil hindi man lamang ako nagkaroon ng pagkakataong bisitahin siya sa ospital noong siya’y kasama pa natin dito sa lupa.

Nararamdaman ko ang kalungkutan na iyong nararanasan. Bagamat nasasabi nating mas mabuti na din ito para sa kaniya anupat nakatakas na siya sa gapos ng sakit at paghihirap, ay alam kong tunay na lahat tayo’y mangungulila sa kaniyang pagkawala.

Kay tatay Jerry – salamat po sa mahusay na pagpapalaki sa kaibigan kong si Jerilee. Natitiyak kong masaya kang umalis baon ang kaisipang nasa mabuting landas ang iyong anak at ang aming kaibigan.

****

Hindi ko din naiwasang salamining muli ang aking sarili matapos ang pag-uusap namin ni Jeri sa telepono. Maaring hindi ko nga ganap na maiintindihan ang hinagpis na hinaharap ng gaya niya, ngunit nauunawaan ko naman ang pait ng pagkawala ng isang AMA.

LUMAKI AKONG WALANG AMA. Anim na buwan pa lamang ako ng maulila ako sa isang ama; hindi ko naranasan ang kaniyang presensiya na sana’y katuwang ng aking mahal na ina sa paggabay sa aking paglaki, kasama ng nag-iisa kong kapatid.

Natatandaan ko pa na noong ako’y grade 1 pa lamang (at dahil hindi ako dumaan sa nursery o kindergarten, iyon ang masasabing una kong pagharap sa mundo ng nag-iisa), pinapatayo sa harap ng klase ang lahat ng mag-aaral upang magpakilala at magbigay ng mensahe sa kani-kanilang magulang. Nang ako na ang magsasalita, ang nasabi ko lamang ay “Mama, mahal na mahal ko po kayo… at Papa, sana nakilala po kita…”

Hindi ako nagpapaka-emo ng sabihin ko iyon, pero iyon ang tunay na nadama ko matapos marinig ang mga naunang nagbigay ng mensahe. Dumating din sa panahon ng buhay ko na tuwing papagawain kami ng project tungkol sa Father’s Day, nagtatanong ako sa aking guro kung maari bang huwag na lamang ako magsumite ng project, anupat wala din lamang akong pagbibigyan nito. At tuwing taon nga, kinatatakutan ko ng dumating ang Father’s day dahil sa ganitong kadahilanan, anupat ang mga guro ko noon ay pinipilit akong gumawa ng greeting card para sa isang ama.

Natigil lamang ito noong ako’y nasa ikalimang grado na. Natigil ito ng dahil sa halip na greeting card ang aking isumite ay isang sanaysay (na maaaring ang pinakaunang literatura na aking kinatha bilang isang manunulat) ang aking ginawa, na pinamagatan kong “A letter to the Father I never knew“.

Sa nasabing sanaysay ay naipahayag ko ang aking tunay na damdamin tungkol sa aking ama. Doo’y sinabi ko kung gaano kalaki ang epekto ng isang ama sa kabuuan ng isang kabataan, ipinahayag ko ang mga masasayang bagay na dapat sana’y nararanasan ko noon. Ngunit sa huling bahagi’y pinasalamat ko pa rin ang aking ama dahil ang kawalan niya’y nagpatibay sa aking higit upang matutunang tanggapin ang mga bagay na wala tayong magagawa o kontrol.

…At higit kong natutunang pahalagaan ang aking ina at nag-iisang kapatid. Iba ang nakikita sa nasasaksihan : bagamat lahat ng tao’y nakikita ang pagsusumikap ng iba sa pag-aaruga’t pagpapalaki sa atin, ako nama’y nasaksihan ang mga ito. Nasaksihan ko ang sakripisyo’t pagpupuyat ng aking ina maitaguyod lamang ako at ang aking kapatid.

Sa aking ama na hindi ko nakilala, salamat sa pagbibigay sa akin ng pagkakataong lumaki at mabuhay sa mundong ito. Ikaw ang taong minahal ko kahit hindi ko man lamang nakikilala.

Salamat pong muli…

h1

sari-saring iisa.

June 27, 2008


Mayro’n akong nais malaman
Maaari bang magtanong?
Alam mo bang matagal na kitang iniibig?
Matagal na akong naghihintay…

MINSAN, may mga bagay sa mundo na wala tayong magagawa, hindi tayo makapipili, o wala tayong kakayahang baguhin.

Isa na diyan ang “LL” – o “lablayp“, ayon sa kaibigan kong itatago ko sa pangalang anthonyb.

Ngunit ito na rin marahil ang dahilan kung bakit masarap ang magmahal – hindi mo alam kung ano ang naghihintay sa iyo dahil hindi mo mapipili kung sino ang pag-aalayan mo nito. Hindi ako nagpapakamartir kung sasabihin kong ang sarap nang isipin na alam niyang mahal ko siya, kahit batid kong ang pinasok ko’y isang pangahas na pangarap. Pero siyempre, nangangarap pa rin ako na balang araw, SANA, masuklian din ito.

…sa huling balita ko’y libre pa rin naman ang mangarap.

Kung ako ay iyong iibigin
Di kailangan ang mangamba
Pagkat ako ay para mong alipin
Sa iyo lang wala ng iba…

TINANONG ako ni AIR kung bakit ko nasabing mahal ko siya, at buong katotohanan din naman na matagal ko na ring naitanong ito sa aking sarili.

At ang dahilang iyon ay naisalin ko na rin sa isang tula – mahigit isang buwan na ang nakalilipas (ikinalulungkot ko ngunit masyadong pribado para sa akin ang tulang iyon kaya’t minarapat kong huwag itong ilathala dito).

Nagpaalam ako sa kaniya na kung maari’y sagutin ko ito sa pamamagitan ng tulang nabanggit, at pumayag naman siya. Kaya’t bibili akong muli ng crayola, este pentel pen, upang maisalin ko itong muli sa isang tisyu – gamit ang sarili kong sulat kamay na mas illegible pa kaysa wingdings.

…sa huling balita ko’y libre pa rin naman ang mag-abot ng isang tula.

Ngunit mayro’n ka ng ibang minamahal
Kung kaya’t ako’y di mo pinapansin
Ngunit ganon pa man nais kong malaman mo
Ang puso kong ito’y para lang sa ‘yo…


NOONG nakaraang linggo lamang, tinanong ako ng ex ko kung bakit daw mahigit isang taon na’y hindi pa ako ulit nagge-gelpren. Simple lamang ang sagot ko: “high tide or low tide?”

…na dyoklang. Ang tunay kong sagot ay “Dapat bang pumasok sa isang relasyon dahil lamang sa lumilipas na panahon? O dahil tiyak mong mahal mo ang isang tao at kaya mong manindigan para dito?”

At dahil alam naman niya ang tungkol kay AIR, tinanong niya kung ano na daw ang lagay ng panliligaw ko.

ex : “Kumusta naman kayo ni __? Masaya ka naman ba?”
ako : “Masaya ako. At oo, mahirap. Pero overwhelming pa din ang saya kapag kasama ko siya.”
ex : “I guess it’s what makes it fulfilling then. Kasi may pain…”
ako : “Oo. ‘Yung tipong lagi ka nag-iisip to the point of paranoia. Pero isang ngiti lang niya, solb na ang araw mo.”
ex : “Paano kung dumating ang araw na magka-bf na siya? Or sabihin niyang hanggang friends na lang kayo at wala talaga?”
ako : [NATAHIMIK]
ex: “Hahaha, ngayon lang kita nakitang ganiyan. Wow, apektado??!”
ako : [Ngumiti] “Grabe no? Kahit tanggap ko na ‘yung looming possibility na ‘yun, masakit pa ring marinig, kahit sa isang simpleng usapan lang.”
[SANDALING KATAHIMIKAN]
ako : “Well, mahal ko e. At least, kahit may gusto siyang iba, alam ko sa sarili ko na may ginawa pa rin ako. I’ve tried, though hindi lang talaga ako ang worthy para sa kaniya. And magiging masaya na din ako nun eventually, may tiwala naman akong she knows what’s best for her. And ‘yun dapat ang lagi nating iisipin sa mahal natin sa buhay – ALL THE BESTS they deserved.”

Sa huling balita ko’y libre pa rin naman ang magmahal…

Nandito ako umiibig sa iyo
Kahit na nagdurugo ang puso
Kung sakaling iwanan ka niya
Huwag kang mag-alala
May nagmamahal sa iyo,
Nandito ako…


…at asamin ang kanilang kaligayahan.