Archive for November, 2008

h1

balada sa pagkain

November 26, 2008

tulala.
nakatitig sa kalderong
nagkakanlong sa ‘sang salop na bigas
at isa’t kalahating pananabik;
nililibang ang sarili
sa pagmamasid
sa nagbabadyang singaw
ng mainit na awit,
na likha
ng nakadadarang na parikit.

ilabas na ang mamantikang ulam
at kolesterol
na bumabalot sa puso,
nagtatangkang ikubli ito
sa sulsol ng isip
at mapalinlang na nasa.

panandalian akong mapapangiti
habang hinahango
ang mga butil ng kanin
na sasabawan ng sebo
at pamaluting karne.

mainit ang sinaing
at masarap ang ulam,
ngunit may bigat ang kubyertos
at may hadlang sa lalamunan
habang mag-isang kumakain.

h1

pakipunasan ang tumulo kong laway

November 19, 2008

Noong bata pa akong kasalukuyan pa lamang nag-aaral mag puta pluta (flute, utang na loob!!!), madalas ay nagugulat ako sa sarili ko dahil sa biglaang pagtulo ng masagana, mahaba, malagkit, (enough of the adjectives) kong LAWAY.  Inakala kong bukod sa pagtugtog ng pluta, mahimbing na pagtulog at pagtingin sa larawan nina Anne Curtis, Iwa Moto, Katrina Halili (mauubos ang karakter ng paglathala sa blog kung kukumpletuhin ko ang listahang ito) ay wala ng iba pang makapagpapatulo ng aking laway.

Ngunit dahil sa kakulitan nitong kaibigan kong si greenpinoy, napatunayan kong mali ako.

Bakit? Panoorin niyo ‘to:

nikewindrunner

Seryosong pinag-iisipan ko na kung tuluyang tatanggapin ko na ang sandamakmak na alok upang pasukin ang industriya ng pag-aartista makabili lamang ng ganito.

 

…bonus na lamang na maituturing kung sino man sa mga nauna ko nang nabanggit sa itaas ang magiging leading lady ko.

h1

Walang Kinalaman Ang Post Na Ito Sa Aking Kaarawan.

November 15, 2008

 yesthereisahiddenmessagetothispost

Marahan akong gumapang sa makinis at mayamang lupaing yaon na tila ba kahit mga anghel ay mangingiming galugarin.

*******

PAGBABALIK-TANAW walong araw na ang nakalilipas, ika-pito ng Nobyembre taong kasalukuyan. Walong minuto makalipas ang alas kuwatro ng hapon.

Nakatanggap ako ng isang text message. Parating na raw siya sa aking kinatatayuan – ang napagkasunduang tagpuan namin ng araw na iyon.

Hindi ko maipaliwanag kung bakit ngunit tila ba biglang may humabol sa aking mga paghinga. Ang kanina’y mapayapang tibok ng aking puso ay nasasalitan na ngayon ng mga pagkabog ng isang tambol. Bigla ring nanuyo ang aking lalamunan na humihinging bigla ng panaka-nakang pagdilig mula sa nahiyang mga laway na humirap lunukin.

Sa wakas, natanaw ko na siya.

*******

KASALUKUYANG PANAHON. Ika-15 ng Nobyembre taong kasalukuyan.

Kaarawan ko na. Happy Birthday sa akin. At oo, beinte otso anyos na ako.

At oo rin, mali nga ang pamagat ng aking artikulo ngayon… Haberdey ko naman, hayaan niyo nang magkamali ako hehehe…

kampayan na!

xoxo.

h1

NDEs.

November 3, 2008

*******
Summer 1994. Bustos Dam, Bulacan.

Lima kaming magkakabarkadang dala ng kabataan ay tinatawag namin ang aming mga sariling “daredevils”. Gawi na namin ang lundagin ang reservoir ng Bustos Dam na may taas na humigit-kumulang tatlumpung talampakan (30 feet) mula sa aming “jump-off point” patungo sa tubig nito, na may lalim namang ayon sa iba ay nasa 50-80 feet.

Nauna na noon si Ruel (hindi tunay na pangalan, pagkat ang tunay niyang pangalan ay Ruel Vergel de Dios – na maaaring hindi pa rin niya tunay na pangalan) sa paglundag sa tubig. Hindi pa man sumusulpot ang ulo niya sa tubig ay lumundag na rin ako. [insert Indiana Jones soundtrack here]

BLAG! Sa hindi ko matandaang pangyayari, tumama ang ulo ko sa balikat ni Ruel pagbagsak ko sa tubig. Hindi mo na kailangang maging physicist upang kalkulahin ang collision force at sabihing malakas nga ang impact na tinamo ng aking ulo (sige na nga, nasaktan na din si Ruel).

Agad akong nawalan ng malay pagbulusok ko sa tubig. Ang huli kong natatandaan bago ako mawalan ng malay ay naaaninag ko pa ang maputlang paa ng barkada ko habang mabilis akong pumapailalim sa madilim na tubig – hanggang tuluyan nang nagdilim ang aking paningin.

PARANG si Mark Wahlberg naman sa pelikulang Max Payne, nagising ako sa ilalim ng tubig habang nadarama kong unti-unti na akong hinihigop ng “intake” ng dam (ayon sa aking mga naririnig noong kabataan ko, maraming mga hayop at maging tao ang namamatay dito sa intake na nagmimistulang suction ng tubig papuntang penstock at turbine ng dam – anupat kapag tuluyan ka na raw napalapit sa intake ay hindi mo na makakayanang lumangoy papalayo sa kalakasan ng paghigop nito). Bagamat madilim ang ilalim ng tubig at natatandaan ko pang parang binibiyak ang ulo ko sa taas ng pressure ng tubig at marahil na rin dahil sa pinsalang inabot ko sa pagkakabagok ng ulo ay milagrong nakayanan ko pang piliting makawala sa lumalakas na paghigop ng tubig pailalim – salamat sa isang tila bakal na nakausli sa pader ng dam na milagro ulit na nahawakan ng aking kamay – hanggang tuluyan na akong makalangoy pabalik sa itaas ng tubig. Hinang-hina, masakit ang ulo, humahabol sa paghinga ngunit cute buhay pa rin.

Inabutan kong nagiiyakan na ang aking mga kabarkada dahil hindi na nila ako nahabol sa ilalim ng tubig at inakala nilang ‘yun na ang katapusan ng aking maalamat na pakikipagsalaparan sa ibabaw ng tubig, este, ng mundo.

At kinilabutan ako ng sabihin nilang mahigit limang minuto na raw ako sa ilalim ng tubig mula ng aking pagkakabagok at pagkawala ng malay.

*******
August 2003. Public van bound to Baliuag from Cubao, North Luzon Expressway.

“Mga kaibigan, ‘wag ho kayong magpapanik, holdap ho ito.”

Ito ang isa sa mga katagang hanggang ngayon ay parang recorded mp3 sa utak ko na tuwing maaalala ko’y kayang-kaya kong iplayback sa aking pandinig. At tandang-tanda ko pa ang baril (na hindi ko nalaman kung tunay nga ba o Shaider collectibles lamang) na hawak ng isa sa kanila.

Gabi noon. Galing ako sa isang out of town audit assignment kaya’t masyado akong ginabi ng uwi (buset na PAL yan, lagi kasing delayed) papuntang Bulacan. Nakaupo ako sa jump seat ng van katabi ng pintuan ng magdeklara ng holdap ang tatlong kalalakihang inakala naming kapuwa namin pasahero. Ang isa’y nakaupo sa mismong harapan ko (sa likuran ng driver na three-seater na nakapaharap sa aming mga pasahero sa loob), ang isa’y katabi mismo ng driver at ang ang isa’y nasa backseat sa gawing likuran (enggg department op redundancy department).

Inanunsiyo nilang hindi raw kami sasaktan basta’t ilalagay namin ang aming mga selpown, alahas at pitaka sa inaabot nilang duffel bag. May mga pasaherong dinig mo ang paghikbi, habang karamihan sa amin ay tila natulala sa kabiglaanan. Nang iabot na ng holdaper sa harapan ko ang duffel bag upang ilagay na namin ang kanilang mga pinagiinteresan, wala akong nagawa kundi ang bunutin ang aking peyk na girbaud wallet at 6600 na selpown (wala yata akong suot na relos noong pagkakataong iyon) habang ganoon din ang ginagawa ng aking mga katabi. Ngunit tiyempo namang nang ilalaglag ko na ang aking selpown at pitaka sa bag ng holdaper ay bigla siyang nag-alis ng tingin at lumingon sa kasamahan niyang nasa tabi ng drayber – na naghudyat sa akin upang lakas-loob na sa halip na sa bag niya ilaglag ang aking mga gamit ay sa bukas na paper bag ng aking katabi ko ito ihinulog.

Dahil sa kasagsagan at tensiyon ng mga pangyayari ay hindi niya ito napansin nang muli siyang humarap sa amin. Aaminin kong bahagyang napapangiti ako nang mga panahong iyon habang iniisip na “ungas ka, naisahan kita!“.

Nagpatuloy pa ang kanilang pangungulimbat sa iba pang mga pasahero hanggang makarating na kami ng Sta Rita exit kung saan pumara na ang mga holdaper.

NGUNIT bago bumaba ang holdaper na nasa harapan ko’y sinaksak nito ang kaliwang balikat ng lalaking nasa tabi niya. Hindi naman mapanganib na sugat – ngunit marahil ay ginawa nila ito upang lahat kami’y matakot at iwaksi (kung mayroon man) ang pagnanasang habulin sila sa kanilang pagtakas sa kadiliman ng Sta Rita exit.

Hindi mo na rin kailangang maging psychologist upang ipaliwanag kung bakit sa kauna-unahang pagkakataon ng gabing iyon ay natakot ako. Naitanong ko sa aking sarili na kung sakaling nahuli akong nilinlang ko sila ay baka ako na ang inundayan ng saksak or worse, hindi lamang balikat ang ipantatanggap ko ng kanilang mga patalim.

Nakunsensiya rin ako sa lalaking sinaksak na bagamat sumunod sa utos ng holdaper (na hindi gaya kong nagpasaway) ay tinamo pa rin ang ganoong pagmamaltrato.

*******
January 2007. Apo Reef Island, Mindoro Occidental.

Maituturing kong isa sa pinakamagandang lugar ng Pilipinas ang Apo Reef. Kasama ang aking mga kabarkada sa dati kong kumpanyang itatago ko sa pangalang “CVX”, at kasama ko din ang ex kong chikababes na itatago ko naman sa pangalang “EX”; nagovernight kami gamit lamang ang aming mga tent sa secluded island na ‘yun na dahil walang ibang tao ay tila ba kami ang nagmamay-ari ng lugar.

182 kms katimugan ng Puerto Princesa, ang nasabing isla ay kilala sa pinong puting buhangin at dibersidad ng kaniyang flora at fauna. Ito ay itinakdang “protected natural park” and “one of the country’s best natural treasure” as ev… TEKA hindi pala travel and living ang tema ng lathala ko ngayon.

BACK TO REGULAR PROGRAMMING.

Linggo ng Hapon. Uwian time. Bago ka makasakay sa bangkang may kalakihan (20-25 pax na regular na nirerentahan ng mga nagpupunta sa Apo Reef) na maghahatid sa iyo sa isla ng Mindoro, kinakailangan mo munang sumakay sa mas maliit na bangkang pangsundo ng mga gamit (dahil sa hindi makakalapit ng may 100-150 metro mula sa buhanginang pampang ang pangunahing bangka) o kung mas adventurous ka, languyin na lamang ito mula sa pampang (ang huling nabanggit ay hindi nirerekomenda ng tourism office).

Dahil sa malakas ang loob ko at ng iba ko pang mga kasamahan (Pareng Chino, ikaw yata ang pasimuno ng dare na ito hehe), nilangoy na lamang namin – kasama si ex at limang iba pa – ang dagat papuntang bangka. Muli, uulitin ko na may kalakihan ang bangka kaya’t tatlong malalapad na kawayan din ang nagsisilbing base ng katig nito.

Nang ilang dipa na lamang kami sa bangka ay napansin naming bumibilis bigla ang paglapit namin sa bangka – at ang kaninang payapang dagat ay naging tila galit na gelpren na nagaalburoto sa lakas ng mens mga alon, dahilan upang magmistulang palakol na umaangat at bumabagsak ang katig at katawan ng bangka sa bilis na parang dribol sa basketbol ni Paul Artadi.

Muli, hindi mo na kailangang maging ekspert bangker upang marealize na nakamamatay ang pagkakataong ikaw ay aanurin sa ilalim ng katig o sa mismong katawan ng bangka – at bagsakan nito ng buong puwersa at bigat – anupat ang lalim ng dagat sa bahaging iyon ay sapat na upang magtayo ng isang monumento ni Goliath.

Walang magawa ang aming bangkero at ang kaniyang assistant kung hindi ang tulayin ang kanilang katig at tangkaing sagipin kami bago pa kami tuluyang malapit at bagsakan ng bangka. Dahil siguro sa ako ang pinakamataba sa grupo (mass equals more surface area exposed equals more drift?) ng mga naglakas-loob lumangoy ay ako ang naunang tinamaan ng katig sa dibdib bago ito muling umangat, at suwerteng naitulak ko pa ang aking sarili palayo upang tangkaing makabuwelo at maka “timing” ng saktong approach sa bangka.

Tumeykdaistorisyort, naitulak ko pataas sa katig ang aking ex (na himalang natulay niya agad despite the sway-sway) at naisampay ko ang aking kanang kamay at paa sa katig matapos iyon. Sa tantiya ko’y may tatlong beses din akong naihampas ng katig sa dagat ngunit milagrong nanatili akong nakahawak hanggang sa tuluyang makatayo at makatawid sa katig …sampu ng natitira ko pang mga kasamahan.

Rip current. Iyun pala ang dahilan ng aming muntik ng kapahamakan. Kaya’t wala ring magagawa maging ang bangkero kung siya man ay lulundag din sa tubig upang tangkaing sagipin kami.

BUKOD sa mga sugat, mga bukol at mga pasang tinamo namin ay wala na kaming masamang sinapit pa hanggang sa mapayapa na kaming nakabiyahe pabalik ng isla ng Mindoro.

*******
Salamat sa Diyos at buhay pa rin ako. Masasabing ang risk ay tunay namang naririyan nasaan ka man at ano man ang ginagawa mo. Oo, maging sa pagtulog.

Kaya’t huwag nating kalimutang pasalamatan Siya sa bawat umagang nagigising tayo (o sa bawat gabing nagigising ang mga nightshift peeps gaya ko). May ulap man o wala sa langit pagdungaw natin, ipagpasalamat pa rin natin na nakadidilat tayong muli mula sa ating mga pagkakahimbing.

{the following is an inserted part on this post para gawin kong tag ito. I’m tagging yung mga bloggers na madalas kong kasama sa mga lakaran – since mahilig naman tayo sa mga “thank you for sharing sister moments”}

axel
ayz
chie
jason
lowla
dambidambidambidamdam
kuletz
mariano
pampoy
vera
xman

and kahit nde na sya nakakasama lately, ispesyal na tag para kay:

bakod